Online Diksiyonaryo ng Wikang Filipino, Ilulunsad ng KWF!
Ilulunsad ang Online Diksiyonaryo ng Wikang Filipino sa 16 Disyembre 2021, 9:00–11:00 nu sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.
Ang Online Diksiyonaryo ng Wikang Filipino ay hango sa database ng Diksiyonaryo ng Wikang Filipino na unang nalathala noong 1989. Ito ang kauna-unahang monolingguwal na diksiyonaryo ng wikang Filipino na binubuo ng 31,245 salitang pasok na inihanda ng Linangan ng mga Wika sa Pilipinas (dáting Surian ng Wikang Pambansa). Ang ikalawang edisyon na may 34,798 salitang pasok ay ang lathala sa ika-100 taon ng pagdiriwang ng kalayaan ng Pilipinas o Sentinyal na Edisyon, gaya ng popular na tawag dito. Noong 2011, inilathala ang ikatlong edisyon na may kabuoang 33,834 salita. Gayumpaman, upang maisapanahon at maisaalang-alang ang mga puna at mungkahi ng maraming nagmamalasakit sa wikang Filipino, muli itong nirepaso, isinaayos, at pinalawak ang mga impormasyon tungkol sa mga salitang lahok, kabilang na ang anyo ng salita na umaayon sa mga tuntunin at pagbabago sa Ortograpiyang Pambansa, mga impormasyong panggramatika, varyant, pinagmulan ng salita, larang, kahulugan ng salita, at iba pa.
Ang Diksiyonaryo ng Wikang Filipino ay patuloy pang pinalalawak sa pamamagitan ng pagdaragdag ng lahok mula sa iba’t ibang wika ng Pilipinas batay sa mga katangiang tulad ng walang katumbas sa Tagalog, isang salitang maaaring itumbas sa tambalang salita sa Tagalog, at mga salitang ginagamit nang higit sa tatlong wika na iba sa Tagalog. Ipinapasok din sa database ang mga salitang dayuhan na naasimila na sa wikang Filipino.
Sa hulí, nananawagan ang Komisyón sa Wíkang Filipíno sa lahat na magpadala ng mga puna at mungkahi upang higit na matugunan ang pangangailangan at maging kapaki-pakinabang ang diksiyonaryong ito para iba’t ibang larangan ng pamumuhay sa lipunang Pilipino, kasabay ng di mapipigilang pagsulong ng wikang Filipino.
Ang proyektong ito ay bahagi ng mandato ng ahensiya na magsagawa, mag-ugnay, at magtaguyod ng mga pananaliksik para sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Pilipinas. Ang Batas Republika Blg. 7104 ay ang batas na lumikha sa Komisyon sa Wikang Filipino na nagtatakda ng mga kapangyarihan nitó, mga tungkulin at mga gawain, naglalaan ng gugulin ukol ditto, at para sa iba pang mga layunin.
Maaaring bumisita sa https://kwfdiksiyonaryo.ph.